MANILA, Philippines - Inaasahang mabubura na ang nagaganap na palakasan sa pagpili ng mga “honor pupils” sa mga paaralan makaraang magpalabas ng bago at mas istriktong panuntunan ang Department of Education (DepEd).
Sa DepEd Order no. 74-2012, ang mga kandidato para sa honor pupils mula Grade 1- 10 ay manggagaling sa mga estudyante na nasa “advance level’. Hindi dapat magtaglay ang mga ito ng final grade na mas mababa sa 85 (proficient level) at hindi dapat magkaroon ng grade na 75-79 (developing level) sa anumang quarter ng taon.
Sinabi ni Education Secretary Armin Luistro na upang mapili ang Top 10 na mag-aaral, kailangang gumamit ng 7-3 point scheme. Manggagaling ang 7 points sa “academic performance” ng estudyante at ang 3 points sa “co-corricular activities”.
Kailangan na may “good moral character” ang papasok sa honor roll at hindi kailanman napatawan ng “disciplinary action”.
Bibigyan rin ng rekognisyon ang mga mag-aaral na matataas naman ang grado sa Math, Science, English at mga co-curricular activities sa palakasan, arts at campus journalism.
Mag-uumpisa ang bagong panuntunan mula school year 2012-13 sa Grade 1 hanggang 7. (Danilo Garcia/Mer Layson)