MANILA, Philippines - Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na tuloy na ang paghahain ng Certificate of Candidacy sa Oktubre 1 hanggang Oktubre 5.
Inihayag ito ni Comelec Chairman Sixto Brillantes kasunod ng hiling ni Election Lawyer Romulo Macalintal na maiurong ang petsa ng paghahain ng kandidatura sa Nobyembre 15-20.
Sinabi ni Brillantes na naaprubahan na nila ang petsa ng paghahain ng COC limang buwan na ang nakakalipas kaya nagtataka siya kung bakit ngayon lamang hiniling ni Macalintal ang pagpapaliban ng paghahain ng kandidatura.
Nababahala si Brillantes na kapag pinagbigyan nila ang hiling ni Macalintal, maaring maantala ang preparasyon sa 2013 midterm elections gaya ng pagresolba sa mga kaso ng diskwalipikasyon at mga nuissance candidate.
Hindi umano biro ang panahong gugugulin sa pagdinig sa mga ito na kailangan nilang matapos hanggang Disyembre dahil sa Enero ay sisimulan na nila ang paglilimbag ng mga balota.
Ang paghahain ng COC ay mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.