MANILA, Philippines - Ipinagkibit-balikat lamang kahapon ng Department of National Defense (DND) ang napaulat na pagpapalipad ng China ng spy planes sa Spratly Islands sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Dr. Peter Paul Galvez, spokesman ng Defense department, wala naman problema sa naturang hakbangin ng China kung ang kanilang spy planes ay lilipad lamang sa loob ng kanilang Exclusive Economic Zone sa pinag-aagawang teritoryo.
Nabatid na patuloy naman ang monitoring ng Philippine Navy at Philippine Air Force sa naturang spy planes ng China.
Sinasabing ilang drones spy plane ng China ang namonitor na lumipad sa WPS sa Spratly Island sa Palawan at maging sa Scarborough Shoal, may 124 nautical miles ang layo sa Masinloc, Zambales.
Binigyang diin ng opisyal na alinmang bansa na kabilang sa mga nag-aagawan sa pag-aangkin sa teritoryo ng Spratly Islands ay may kalayaan na gamitin ang lahat ng kanilang kapabilidad sa pagbabantay ng kani-kaniyang teritoryo at maging sa international waters.