MANILA, Philippines - Inaresto ng awtoridad kahapon ang retiradong Amerikanong import ng Philippine Basketball Association (PBA) na si Billy Ray Bates, dahil sa umano’y pagpalo sa windshield ng isang Mercedez Benz limousine sa lungsod Quezon.
Ayon kay PO2 Alvin Quisumbing, si Bates na itinuring na PBA Hall of Famer ay dinampot ng mga tropa sa Cubao Police Station, habang natutulog sa isang parking area sa harap ng Farmer’s Market sa Cubao ganap na alas-6 ng umaga.
Sinabi ni Quisumbing, dinala sa kanilang kustodiya si Bates bunsod ng reklamo ng isang Carlos Vicente, 48, may-ari ng rent-a-car business.
Nabatid kay Quisumbing na si Bates ay inakusahan na siyang pumalo sa windshield ng isang puting Mercedez Benz limousine (WNU-404) habang nakaparada ito sa harap ng auto repair shop sa kahabaan ng First Planas St., Brgy. Kaunlaran, ganap na alas -12:20 ng madaling araw
Isang residente umano ang nakakita kay Bates, habang lasing na dumampot ng bato at hinampas ang windshield ng limousine na ginagamit ni Vicente sa kanyang negosyo.
Matapos ang insidente, nakita umano si Bates na umalis patungo sa direksyon ng EDSA.
Subalit makalipas ang ilang oras, muling nakita ng nasabing residente na noon ay magpupunta sa palengke si Bates habang nakaupo at natutulog sa may parking area ng Farmer’s Market.
Dito ay nagpasya ang residente na magpunta sa istasyon ng pulisya at ireport ang ginawa ng nasabing dayuhan saka ito dinakip.