MANILA, Philippines - Matapos makipagsagutan kay Senate President Juan Ponce Enrile, ang mga kakampi naman ni JPE ang pinuntirya ni Sen. Antonio Trillanes IV na inakusahan nitong ‘gumapang’ din para mabilis na maipasa ang paghati sa lalawigan ng Camarines Sur.
Tinukoy ni Sen. Trillanes na ‘gumapang’ sina Senate Majority Leader Vicente Sotto III at Senate Pro-Tempore Jinggoy Estrada.
Inakusahan ni Trillanes na sina Sotto at Estrada ang tumawag umano sa kanya para ‘tumahimik’ na ito sa isyu ng Camarines Sur.
“Tinawagan nga nila ako noong Lunes, last week, para lang i-withdraw ang aking reservation for interpellations, para aprubahan na nila.. Sina Sen. Sotto at Sen. Jinggoy Estrada, so, paano nila sasabihin na walang pressure, hindi minamadali eh, iyon yun eh. Ako nga mismo ang tinatawagan nila,” pagbubunyag ng mambabatas.
Sa kaniyang privileged speech sa plenaryo, hayagang inakusahan ni Trillanes si Enrile na umano’y naging sunud-sunuran sa kagustuhan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ang naturang talumpati ni Trillanes ang pinag-ugatan ng mainit na bangayan ng dalawang mambabatas.
“Tatandaan niyo, ito iyong taong nag-peke ng kaniyang ambush. Tapos paniniwalaan natin ito na para siyang Santo Papa. Tinamaan lang iyong ego niya, kasi wala na akong bilib sa kaniya, sa liderato niya sa style niya. Kumbaga, hindi siya mahalaga sa akin,” sabi umano ni Trillanes.
Sa huling araw ng sesyon ng Kongreso noong nakaraang linggo, nabigo ang mga senador na talakayin ang panukalang batas. Muling babalik sa kanilang mga trabaho ang mga mambabatas sa Oktubre 8, 2012.