MANILA, Philippines – Wala pang nakukuhang warehouse ang Commission on Elections (Comelec) para paglipatan ng mahigit sa 81,000 Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines na gagamitin para sa May 2013 elections.
Nabatid na bigo pa rin na makapili ang Comelec sa ikalawang bidding ng warehouse na papasa sa requirements.
Sa Resolution No. 4 ng Special Bids and Awards Committee ng Comelec, idineklara rin nito ang lone bidder na joint venture ng Storage Solutions, Inc. (SSI) at ASA Color and Chemical Industries, Inc. (ASA), na ‘post-disqualified’ dahil sa pagkabigo nitong sumunod sa mga requirements para sa bidding.
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., bigo ang joint venture sa post-qualification assessment matapos na matuklasan ng SBAC na ang bodega sa Carmona, Cavite na iniaalok nito ay hindi nila pagma-may-ari.
“Nung tingnan namin, hindi pala sila ang may-ari. E merong provision doon sa Bidding Documents na you cannot sub-lease, so magiging sub-leasee kami,” sabi ni Brillantes.
Una nang idineklara ng SBAC ang naturang joint venture na siyang may pinakamababang bid para sa tatlong taong kontrata sa pag-upa ng warehouse facility simula Oktubre 1, 2012 hanggang Disyembre 31, 2015.
Sa kasalukuyan ay nakalagak pa sa warehouse ng Smartmatic sa Cabuyao, Laguna ang mga PCOS machines.
Dahil sa pagkabigo ng pangalawang bidding para sa warehouse ay maghihintay pa ang Comelec ng rekomendasyon ng SBAC kung ano ang dapat nilang gawin.
Ipinag-utos na rin ng Comelec ang re-bidding ng kontrata para sa electronic result transmission na nabigo rin kamakailan.