MANILA, Philippines - Nakiusap si House Majority leader Neptali Gonzales II kay business tycoon Manny V. Pangilinan na huwag totohanin ang balitang aalisin nito ang lahat ng negosyo sa Pilipinas matapos na masangkot ang pangalan sa awayan nina Senate President Juan Ponce Enrile at Sen. Antonio Trillanes.
Giit ni Gonzales, labis na nakakabahala ang napaulat na dismayado si Pangilinan sa pagkakadawit ng pangalan nito tulad ni DFA Sec. Albert del Rosario, sa awayan nina Enrile at Trillanes.
Pakiusap ng mambabatas, bagamat naiintindihan umano nito ang sama ng loob na nararamdaman ng business tycoon ay huwag naman sana nitong ituloy ang pag-aalis ng mga negosyo nito sa bansa patungong Hong Kong.
Dahil kung mangyayari umano ito ay malaking dagok ito sa pagsusumikap ng pamahalaan na mapaunlad ang ekonomiya at makapanghikayat ng dayuhang investors.
Apela pa ni Gonzales, sana ay mangibabaw kay Pangilinan ang pagmamahal sa bansa sa halip na pagkadismaya dahil sa pagkakadawit sa awayan ng dalawang senador.
Ang intensyon umano ni Pangilinan na ibalik sa Hong Kong ang mga negosyo sa Pilipinas ay mabibigay ng negatibong senyales sa mga investors, na ngayon ay nakakakita na ng liwanag sa gumagandang takbo ng pagnenegosyo sa bansa.