FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija, Philippines - Naging emosyunal si Pangulong Aquino sa kanyang pagbabalik-tanaw sa panahon ng Martial Law na ginunita kahapon.
Ginawa ito ng Pangulo sa inagurasyon ng napaayos na Aquino-Diokno Memorial at sa bagong AFP Center for Human Rights Dialogue sa Fort Magsaysay.
Sa kanyang mensahe, inalala ng Pangulo ang kaawa-awang kalagayan ng amang si ex-Sen. Ninoy matapos makulong.
Bagama’t naging matatag ang kanyang prinsipyo, hindi raw maiwasan ng ama ang lumuha sa sinapit sa kamay ng mga kalaban.
Hanggang ngayon, ayon sa Pangulo, mahirap pa ring balikan ang mga eksena sa nakaraan lalo ang huling sandali sa buhay ni Ninoy.
Idinagdag pa ng Pangulo na ang karanasan ng ama ay naging karanasan din ng libu-libong Pilipino sa panahon ng Batas Militar.
Kanya ring pinuri ang mga sundalong nakiisa sa pagbabalik ng demokrasya noong panahon ng EDSA People Power Revolution.