Bagong plunder vs Ebdane pinalagan
MANILA, Philippines - Maituturing na umanong basura ang panibagong kaso ng plunder na isinampa laban kay Zambales Gov. Hermogenes Ebdane na may kaugnayan sa pagbibigay nito ng permit para makapag-operate ang mga small scale miners sa naturang lalawigan.
Ayon sa abogado ni Ebdane na si Atty. Ianela Jusi-Barrantes, walang ibang layunin ang isinampang kaso sa Ombudsman laban sa gobernador kundi siraan ito sa publiko matapos ang hayagang pagbubukas ng industriya ng pagmimina sa mga maliliit na kumpanya at ordinaryong mga taga probinsiya.
Hindi rin naitago ang ngitngit ni Atty Jusi-Barrantes dahil naniniwala silang pinepersonal at pinupulitika si Ebdane ng mga nasagasaan niyang malalaking kumpanya na matagal na nakinabang sa mining industry sa Zambales.
Ang kasong plunder na isinampa ng isang abogado na si Atty. Reynaldo Bagatsing laban kay Ebdane noong Lunes ng hapon ay kahalintulad din ng kaso na isinampa laban sa gobernador noong Hulyo ng kasalukuyang taon gamit ang reklamo ng Consolidated Mines Inc., isang malaking mining firm sa Zambales.
Ang ikinalulungkot pa ng kampo ni Ebdane ay mas nauna pang nalaman ng media ang kaso laban sa kanya dahil ang pagsasampa ng plunder sa Ombudsman ay may kaakibat na media coverage.
- Latest
- Trending