Sa kumpirmasyon ng Cabinet secs... Pnoy hindi luluhod kay Miriam

MANILA,Philippines - Walang plano ang Ma­lacañang na ‘lumuhod at magmakaawa’ kay Sen. Miriam Defensor-Santiago para huwag nitong hara­ngin ang confirmation ni incoming DILG Sec. Mar Roxas sa Commission on Appointments (CA).

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, walang plano ang Palasyo na kausapin si Sen. Santiago matapos magbantang haharangin nito ang kumpirmasyon ni Sec. Roxas sa CA.

Ayon kay Usec. Valte, mismong si Sec. Roxas ay nagsabing karapatan daw ni Sen. Santiago bilang mambabatas kung nais nitong harangin ang kanyang kumpirmasyon pero umaasa rin ang Palasyo na maiintindihan din ng Senadora ang national interest na ginagampanan ng DILG sa bansa bilang isang sensitibong departamento.

Magugunita na nagbanta si Sen. Santiago na haharangin nito ang kumpirmasyon ni Roxas sa CA dahil kabilang ito sa miyembro ng Gabinete ni Pangulong Aquino na hindi sumipot sa isinagawang imbestigasyon ng kanyang komite kay dating DILG Usec. Rico Puno noong nakaraang linggo.

Iginiit naman ng Palas­yo na hindi binoykot ang nasabing imbestigasyon ni Santiago bagkus ay nais lamang nilang humingi ng paliwanag hinggil sa posibleng magiging tanong para sa mga Gabinete na ipinatawag nito.

Samantala, desidido si Sen. Santiago na harangin ang kumpirmasyon ni Sec. Roxas bilang kalihim ng DILG.

Pormal na ipinaalam pa kahapon ni Santiago kay Senator Vicente Sotto III, chair ng Committee on Interior and Local Government Commission on Appointments na ibi-veto nito ang kumpirmasyon ni Roxas na nakatakdang isalang sa CA ngayong araw.

“Out of deference, I have inform you that at the CA plenary session this Wednesday at 1:00 p.m., I intend to veto the confirmation of Secretary Manuel A. Roxas II,” sabi ni Miriam sa kaniyang sulat kay Sotto.

Pero nilinaw ng senadora na wala siyang personal na isyu laban kay Roxas na sa tingin niya ay kuwalipikado naman at may kakayahan sa kaniyang tungkulin.

Ginamit na katuwiran ni Santiago ang nauna niyang pahayag na haharangin niya ang kumpirmasyon ng sinumang miyembro ng gabinete na hindi dadalo sa pagdinig ng kaniyang komite.

“I consider Sec. Ro­xas, against whom I have nothing personal, as more that qualified in honesty, competence, and efficiency. However, I have announced that I shall oppose the confirmation of any cabinet member whom I invited to the Rico Puno hearing, held on 14 September 2012, but who declined to appear” sabi ni Santiago.

Nais lamang umano ni Santiago na manatili ang prinsipyo ng “check and balances” sa pagitan ng executive at ng legislative kaya ninais nitong padaluhin sa pagdinig ang mga kinauukulang miyembro ng gabinete ng Pangulong Aquino.

Show comments