MANILA, Philippines - Dalawang Chinese national na nagpanggap na mga misyonaryo ngunit mga drug trafficker pala ang inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Eastern Police District sa isang buy-bust operation kamakailan sa Mandaluyong City.
Sinampahan nang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na sina Andy Ong, alyas Wang Rong Chu, 36-anyos; at Asy Lee, 42-anyos, kapwa hinihinalang mga miyembro ng kilabot na Chua-Li Drug Group.
Nabatid na unang natunugan ng mga intelligence operatives ng PDEA ang operasyon ng dalawang suspek sa Mandaluyong. Dito nakipagkoordinasyon ang PDEA sa Mandaluyong City Mayor’s Action Command (MAC) at bumuo ng grupo para sa operasyon.
Isang poseur buyer ang nakipagtransaksyon sa dalawang dayuhan kung saan isinagawa ang bentahan ng iligal na droga sa loob ng isang coffee shop sa isang mall sa Mandaluyong nitong Setyembre 15. Hindi na nakapalag ang mga suspek nang dakmain ng mga operatiba makaraang maisagawa ang bentahan ng nasa 100 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P600,000.
Nabatid na pumasok ng Pilipinas sina Ong at Lee bilang mga misyonaryo umano ng grupong Lian Ho San Tan Temple Inc. ngunit pagbebenta ng iligal na droga ang tunay na pakay. Matagal na umanong target ng surveillance ng PDEA ang dalawang dayuhan.
Ang Chua-Li Drug Group ay nag-ooperate sa Metro Manila at mga karatig lalawigan sa Central Luzon at CALABARZON at siya ring operator ng dalawang shabu laboratories na sinalakay ng PDEA dalawang taon na ang nakalilipas.