MANILA, Philippines - Nagbigay ang pamahalaang Thailand ng halagang US$100,000 sa Pilipinas bilang tulong pinansyal sa mga biktima ng pagbaha nitong nakalipas na buwan bunsod ng Habagat.
Ang nasabing halaga ay ipinasa ni Chargé d’ Affaires Thanis Na Songkhla ng Royal Thai Embassy sa Manila kay Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario sa isang simpleng turn-over ceremony na ginanap sa Department of Foreign Affairs ng nakalipas na linggo.
Ang nasabing donasyon ay ipapasa ng DFA sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na siyang mangangasiwa sa pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta ng ilang linggong pag-ulan at pagbaha.
Sinabi ni Del Rosario, ang tulong ng Thailand ay tiyak na mapupunta sa mga flood victims na patuloy na bumabangon upang makarekober sa nasabing kalamidad.