P.7-M halaga ng igat, nasabat

MANILA, Philippines - Nakasabat ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) ng 13 kahong igat (eel) na nagkakahalaga ng mahigit P.7 million sa isang warehouse sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Parañaque City.

Kasama ni Customs Commissioner Ruffy Bia­zon si Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Director Asis Pe­rez, nang iharap sa mga mamahayag ang naturang mga kontrabando na nasa P750,000 ang halaga.

Nadiskubre sa isinagawang anti-smuggling operation ng mga tauhan ni Biazon ang 13 kahon na naglalaman ng igat sa Paircargo Warehouse sa NAIA 1.

Tangka umanong ipuslit ang mga ito palabas ng Pilipinas patungong China. Sinasabing naibebenta ang eel ng halagang P30,000 kada kilo.

Maituturing na uma­nong endangered species ang mga igat at mahigpit na ipinagbabawal ng pamahalaan ang panghuhuli nito lalo pa kung ipupuslit ito at ibebenta.

Sinabi ni Biazon na isang paglapasta­ngan sa yamang dagat ang ginagawa ng mga smuggler kasabay ng paniniyak na hindi niya ito palalagpasin at mananagot aniya ang dapat parusahan laban sa mga taong nasa likod nito.

Show comments