Palasyo wala raw alam sa pag-isnab ng mga senador sa komite ni Miriam
MANILA, Philippines - Nilinaw ng Malacañang na wala silang impluwensya sa hindi pagkumpirma ng mga Senador na miyembro ng committee on Constitutional Amendments of Revision Codes and Law sa pagdalo sa imbestigasyon kay dating DILG Usec. Rico Puno.
Sa panayam kay Communications Secretary Ricky Carandang sa Kamara, sinabi nito na walang kinalaman ang Palasyo sa nasabing isyu dahil panloob umano itong usapin ng Senado at hindi nila maaring panghimasukan.
Nakahanda rin umano ang mga opisyal ng administrasyon na sumunod sa mga imbitasyon ng Senado kaugnay ng imbestigasyon kay Puno basta nasusunod din ang proseso ng mataas na kapulungan.
Subalit kailangan munang desisyunan ng Senado kung alin ang tamang komite ang nararapat na humawak ng isyung ito.
Nagbabala naman si House Deputy Minority Leader at Zambales Rep. Milagros Magsaysay kay Pangulong Aquino na maging handa sa magiging ‘consequence” kapag itinalaga si Puno sa ibang posisyon sa gobyerno.
Sabi pa ni Magsaysay, bagamat prerogative ng Pangulo na italaga ang sinumang nararapat at mapagkakatiwalaan dapat pa rin nitong tanggapin ang anumang magiging resulta ng nasabing hakbang lalo pa at lumalakas ang panawagan na huwag ng italaga sa anumang posisyon si Puno.
Reaksyon ito ng mambabatas dahil sa ulat na pinag-aaralan na ng Pangulo ang posibilidad na pagtatalaga kay Puno sa ibang puwesto ng pamahalaan kabilang na dito ang Department of Agriculture (DA).
- Latest
- Trending