Senate probe sa jueteng payola ng PNP tuloy
MANILA,Philippines - Itutuloy ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, chairman ng Senate Commmittee on Games and Amusement, ang imbestigasyon sa sinasabing pagtanggap ng payola mula sa jueteng ng mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Pimentel, dapat lamang magkaroon ng isang malalimang imbestigasyon sa gitna na rin ng mga paratang na patuloy na namamayagpag ang jueteng kahit sa panahon ng administrasyong Aquino dahil may mga nagbibigay ng proteksiyon dito.
Dalawang PNP general at isa umanong civilian personnel ng PNP Intelligence Group ang sinasabing protektor ng ilegal na sugal base sa emails na ipinadala sa mga reporter na nagko-cover sa Camp Crame.
Nauna ng nagpahayag ng pagka-alarma si Pimentel sa hearing ng committee on Constitutional Amendments, Revision of Code and Laws na pinamumunuan ni Sen. Miriam Defensor Santiago tungkol sa pamamayagpag ng jueteng.
Ayon kay Pimentel, target ng nasabing ilegal na sugal ang kabuhayan ng mga mahihirap na nagagawa pang tumaya sa jueteng kaysa ipandagdag sa pambili ng pagkain ang kanilang itataya.
- Latest
- Trending