2 Pinoy seamen dineport sa oil spill sa NZ
MANILA, Philippines - Dineport na pabalik sa Pilipinas ang Pinoy ship captain at isa pang tripulante na may kagagawan sa pagtagas ng tone-toneladang langis sa karagatan ng New Zealand matapos na sumadsad ang kanilang sinasakyang barko sa Astrolabe Reef noong nakalipas na taon.
Sa report ng Agence France Presse (AFP), sina Capt. Mauro Balomaga at second officer Leonil Relon ay iniutos ding ma-deport kahapon ng umaga sa Pilipinas mula New Zealand matapos nilang maisilbi ang pitong buwan na pagkakakulong.
Sina Balomaga at Relon ay unang nag-plead guilty matapos ang sinasabing pinakamalaking sea o marine environmental disaster sa kasaysayan ng New Zealand nang sumadsad ang MV Rena, isang Liberian-flagged vessel na may dalang 1,700 toneladang langis na tumagas sa Bay of Plenty noong Oktubre, 2011.
Umaabot sa 300 toneladang “toxic fuel oil” mula sa nasabing barko ang natapon sa karagatan sanhi upang mamatay ang libu-libong seabirds at marine resources.
Tinatayang umaabot naman sa NZ$130 milyon o US$103.6 milyon ang nagastos ng pamahalaang New Zealand sa ginawang paglilinis sa oil spill na ipinataw naman sa may-ari ng nasabing barko na Greece-based Costamare Shipping Company.
- Latest
- Trending