Marunong bang managalog si Kennedy? - Sotto
MANILA, Philippines - Sa gitna ng bagong akusasyon na plagiarism o pangongopya ng speech ng iba, kinuwestiyon kahapon ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III kung marunong bang managalog si dating US Senator Robert “Bobby” Kennedy.
Muling inakusahan ng pangongopya si Sotto matapos gamitin nito sa kaniyang talumpati kamakalawa ang bahagi ng talumpati ni Kennedy sa South Africa noong 1966 bagaman at isinalin lamang nito sa tagalog.
“Marunong pala managalog si Kennedy ah…Nakakatawa na sila,” sabi ni Sotto sa isang panayam sa telebisyon.
Naging kontrobersiyal si Sotto dahil sa mga banat nito sa Reproductive Health Bill dahil ilan sa bahagi ng talumpati nito ay kinopya lamang umano sa mga blogs o internet.
Ipinaliwanag pa ni Sotto na ang laman ng pinakahuling speech niya sa Senado kontra sa RH Bill ay galing sa ibat ibang source na ipinibigay sa kaniya.
Ang bahagi ng talumpati ni Sotto na sinabing tinagalog lamang pero bahagi ng speech ni Kennedy ay ang sumusunod: “Iilan ang magiging dakila sa pagbali ng kasaysayan, subalit bawa’t isa sa atin ay maaaring kumilos, gaano man kaliit, para ibahin ang takbo ng mga pangyayari.
“Kapag pinagsama-sama ang ating munting pagkilos, maka-li-likha tayo ng totalidad na magmamarka sa kabuuan ng kasaysayan ng henerasyong ito.
“Ang mga hindi-mabilang na iba’t ibang galaw ng katapangan at paninindigan ang humuhubog sa kasaysayan ng sang-katauhan.
“Tuwing naninindigan tayo para sa isang paniniwala, tuwing kumikilos tayo para mapabuti ang buhay ng iba, tuwing nilalabanan natin ang kawalan ng katarungan, nakalilikha tayo ng maliliit na galaw. Kapag nagkasama-sama ang mumunting galaw na mga ito, bubuo ito ng isang malakas na puwersang kayang magpabagsak maging ng pinakamatatag na dingding ng opresyon.”
Sa speech naman ni Kennedy noong 1966 sinabi nito: “Few will have the greatness to bend history, but each of us can work to change a small portion of the events, and the total—all these acts—will be written in the history of this generation.
“It is from numberless diverse acts of courage such as these that the belief that human history is thus shaped.
“Each time a man stands up for an ideal or acts to improve the lot of others, or strikes out against injustice, he sends forth a tiny ripple of hope, and crossing each other from a million different centers of energy and daring, those ripples build a current which can sweep down the mightiest walls of oppression and resistance.”
Naniniwala si Sotto na hindi na siya dapat akusahan ng pangongopya o plagiarism dahil wala namang ibang nagsabi ng kaniyang talumpati sa tagalog.
- Latest
- Trending