MANILA, Philippines - Inianunsiyo kahapon ng Manila Electric Company (Meralco) na makakaranas ang kanilang mga kostumer nang pagbaba ng singil ng kuryente ngayong Setyembre.
Ayon sa Meralco, ang mga residential customers nila na may consumption level na 200 kWh kada buwan ay magkakaroon ng P1.73 per kilowatthour(kWh) reduction sa kanilang electric bills bunsod na rin ng pagbaba ng generation charge na kanilang binabayaran sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at Independent Power Producers (IPPs).
Ito na umano ang naitalang pinakamababang generation charge simula Marso.
Sa WESM ay bumaba mula P14.70 per kWh hanggang P8.74 per kWh bunga umano nang mababang demand ng kuryente dahil sa maulang panahon, mga long weekends nitong Agosto at availability ng hydro-electric power plants.
Ang charge naman ng IPPs ay bumaba rin ng P0.48 per kWh matapos na maibalik na sa normal ang operasyon ng Malampaya pipeline.