MANILA, Philippines – Hiniling ng isang non-government organization (NGO) na idetalye sa publiko ang ulat tungkol sa tunay na bilang ng namamatay sa Pilipinas sanhi ng paninigarilyo dahil hindi umano kapani-paniwala ang datos na lumabas sa pagdinig ng sin tax bill.
Ayon kay Elvis Campos, ng Mamayan Kilos: Alab ng Maralita na hindi nila kukuwestiyunin ang mga naunang pag-aaral na ang paninigarilyo o sigarilyo ay nagdudulot ng iba’t ibang sakit sa puso, baga at kanser.
Bunsod nito kayat hinikayat nito ang mga senador na hingin sa mga naglabas ng ulat kabilang na ang Department of Health (DOH) na idetalye ito at tukuyin ang datos ng bawat rehiyon sa nakakabahala umanong “smoking-related deaths”.
Nauna nang sinabi ng mga health at anti-smoking advocates tulad ng Framework Convention on Tobacco Control Alliance Philippines (FCAP) at ng Health Justice Philippines, na 10 Pinoy ang nasasawi kada oras o 240 bawat isang araw at halos 90,000 sa loob ng isang taon sanhi ng mga sakit dulot ng paninigarilyo.
Bukod dito, nalulugi din umano ng P500 bilyon taun-taon ang gobyerno dahil sa healthcare costs at productivity losses.
Paliwanag pa ng mga NGOs na ang 10 Pinoy ay nasasawi kada oras dahil sa cancer, stroke, lung at heart diseases gayundin halos ang mga nasasawi sa mga tinatawag na passive smokers.