MANILA, Philippines – Hindi na nakaalis kahapon sa Senado ang rice importer na si Cesar Ramirez matapos itong arestuhin ng mga miyembro ng Office of the Sergeant- at-Arms.
Pinatawan ng contempt na Senado si Ra mirez dahil sa pagsisinungaling sa imbestigasyon ng Senate Committee on Agriculture na pinamumunuan ni Senator Francis Pangilinan kaugnay sa kontroberisyal na 420,000 sako ng bigas na naipasok sa Subic.
Muling dumalo kahapon sa pagdinig si Ramirez, kung saan nagsumite pa siya ng “supplemental manifestation with clarification” para ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat i-contempt pero tinuyan pa rin siyang ipinakulong ng mga senador.
Ayon sa paliwanag ni Ramirez, naguluhan lamang siya at ninerbiyos sa hearing noong Agosto 22, 2012 kaya iba-iba ang kaniyang naging sagot sa komite.
Pero hindi nakumbinsi ang mga miyembro ng komite kaya ipinaaresto pa rin si Ramirez.
Ayon kay Pangilinan, indefinite o walang katiyakan kung hanggang kailan mananatili si Ramirez sa Senado.
Samantala, bukod kay Ramirez pinatawan din ng contempt si Protik Guha, ang Indian rice dealer na sabit din sa pagpapasok sa bansa ng 420,000 sako ng bigas.
Pero hindi naaresto ng Senado si Guha dahil nasa labas ito ng bansa at nasa New Delhi.
Hiniling ng abogado ni Guha na bigyan sila ng palugit para isumite ang kanilang motion for reconsideration.
Naunang iginiit ni Guha na hindi para sa Pilipinas ang nasa 420,000 sako ng bigas kundi sa Jakarta, Indonesia.
Nahuli namang nagsisinungaling si Ramirez dahil sa mga nauna nitong pagharap sa komite, sinabi nitong hindi niya kakilala si Guha gayong nagpapalitan sila ng mensahe sa pamamagitan ng e-mails.
Lumabas din na may kasunduan si Guha at Ramirez na mag-import ng bigas.
Samantala, binigyan ng komite ng limang araw ang negosyanteng si Magdangal Diego Bayani III ng St. Andrews Field Grains and Cereal Trading upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng contempt matapos itangging ihayag sa komite kung sinu-sino ang mga financiers niya sa negosyo.
Matatandaan na naharang ng Bureau of Customs sa pamumuno ni Commissioner Ruffy Biazon ang pinakamalaking rice smuggling na aabot sa halagang P500 milyon. Dumalo din sa pagdinig si Biazon dahil nasa BOC ang naturang mga bigas.