^

Bansa

Comelec, aaksyon na sa Imus 'poll protest'

- Butch M. Quejada - The Philippine Star

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Sixto Brillantes sa mga residente ng Imus City, Cavite na “tutuldukan” na nito ang kontrobersiyal na isyu ng nanalong mayor sa siyudad bago matapos ang buwan.

Ang pahayag ni Brillantes ay kasunod nang “pagsugod” kahapon ng higit 2,000 residente ng Imus City sa Comelec main office sa Maynila upang iparating ang kanilang pagkadismaya sa umano’y patuloy na pagbalewala ng poll body sa petisyon ni Mayor Homer Saquilayan na pinal nang desisyunan ang naturang isyu.

Matatandaan na Agosto 15 pa naglabas ng ‘unanimous decision’ ang Comelec First Division kung saan kinumpirma nito ang panalo ni Saquilayan sa lamang na 8,429 boto laban kay Emmanuel Maliksi.

Inatasan din nito ang Comelec legal office na imbestigahan ang mga umano’y pandaraya matapos ang halalan.

Agad naghain ng ‘motion for the issuance of writ of execution’ si Sa­quilayan upang tahimik at maayos siyang makabalik sa puwesto, subalit bigo pa rin umanong aksyunan ng poll body.

Patuloy namang nakaupo si Maliksi bilang alkalde matapos paboran ni Judge Cesar Mangrobang ng Imus Regional Trial Court ang kanyang reklamo kung saan inalis din si Sa­quilayan bilang mayor mahigit walong buwan na ang nakaraan.

Sa panayam, ipinunto ni Saquilayan na batay na rin sa regulasyon ng Comelec, mayroon lamang itong walong araw para sagutin ang kanyang mosyon.

“Pero hanggang ngayon wala pa rin kaya ang mga tao sa Imus ay naiinip nang masyado,” anang alkalde.

Aniya pa, ang kanilang pagkilos kahapon ay bilang paggunita na rin sa ika-116 anibersaryo ng ‘Battle of Imus’ na sagupaan ng mga rebolusyunaryong Pilipino sa Cavite at mga sundalo ng kolonyalistang España.

“Kung dati ay nakipaglaban kami para sa ating pambansang kasarinlan, ngayon naman ay nakikipaglaban kami rito sa Comelec para maipatupad ang ‘matuwid na daan’ sa a­ting mga halalan,” dag­dag pa nito.

Napakalma naman ni Brillantes ang mga nag-raling residente sa kanyang ibinigay na pa­ngako.

Anila, nauunawaan naman nila si Brillantes at batid din umano nila na matindi ang ‘pressure’ sa Comelec chief gayunman, naniniwala silang reresolbahin na nito ang usapin pabor sa katotohanan at matuwid na daan.

Una nang ibinunyag ni Cavite Rep. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, kapartido ni Saquil­a­yan, na ilang matataas umanong opisyal sa gob­yerno ang “dumidiin” sa Comelec pabor kay Maliksi.

Si Maliksi ay miyembro ng Liberal Party (LP) at malapit na kaalyado sa pulitika ni Pang. Benigno ‘Noynoy’ Aquino.

BATTLE OF IMUS

BRILLANTES

CAVITE

CAVITE REP

COMELEC

COMELEC FIRST DIVISION

EMMANUEL MALIKSI

IMUS CITY

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with