Manila, Philippines - Iginiit kahapon ng National Irrigation Administration (NIA) na walang dapat ipangamba sa tagtuyot dahil may sapat na water supply ang buong bansa kahit pa dumating ang El Niño phenomenon.
Ayon kay NIA Administrator Antonio Nangel, patuloy nilang minomonitor lahat ng irigasyon sa bansa at kumpiyansa sila na hindi maapektuhan ang mga magsasaka sa El Niño na inaasahang papasok sa last quarter ngayong taon.
Ayon sa ulat ng PAGASA, posible umanong dumating ang El Niño ngayong last quarter ng 2012.
“Mas natatakot kami kapag tag-ulan dahil ito ang malakas makasira ng ating irigasyon. Pero ngayong tagtuyot meron tayong sapat na supply,” pahayag ni Nangel.
Ani Nangel, patuloy din ang pagsasaayos ng lahat ng mga nasirang irigasyon nitong panahon ng kalamidad bilang paghahanda na rin sa posibleng pagdating ng tagtuyot.
Samantala, hindi naman inaprubahan ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. ang P690 milyong pondo para sa pagpapagawa ng NIA sa mga nasirang irigasyon noon pang panahon ng bagyong Sendong.
Pero nangako naman daw umano si Budget Secretary Butch Abad na gagawa ito ng paraan para mabigyan ng pondo ang NIA para tuluyan ng maisaayos ang mga nasirang irigasyon.