MANILA, Philippines - Malaki ang magiging epekto nang nalalapit na pagreretiro sa puwesto ng dalawang commissioner ng Commission on Elections sa ginagawa nilang preparasyon para sa May 2013 midterm elections.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, sa Pebrero 2013 ay nakatakda nang magretiro sa puwesto sina Comelec Commissioners Rene Sarmiento at Armando Velasco.
Ipinaliwanag ni Jimenez na ang pinakamalaking problemang kakaharapin ng ahensya kung sakali ay ang kawalan ng quorum sa mga panahong maituturing na kritikal dahil sa nalalapit na halalan.
Ang pagreretiro nina Sarmiento at Velasco ay natapat sa panahong kritikal na ang preparasyon para sa 2013 polls dahil mahigit dalawang buwan na lamang bago idaos ang eleksiyon.
Bukod sa nasabing retirement ay mayroon pa silang isang bakante posisyon sa ngayon matapos na masibak si Commissioner Gus Lagman na ilang ulit na na-bypass sa Commission on Appointments.