MANILA, Philippines - May 36 overseas Filipino workers na na-trap sa matinding bakbakan sa Syria at biktima ng pagmamaltrato sa Dubai ang magkasunod na dumating sa bansa kahapon.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), dumating dakong alas-4:47 ng hapon ang 17 Pinoy sa NAIA lulan ng Emirates Airways flight EK-332 mula Damascus, Syria habang ang 19 OFWs na nagmula sa Dubai, United Arab Emirates ay lumapag sa NAIA dakong alas-5:25 ng hapon sakay ng Gulf Air flight GF-156.
Ang 17 OFWs ay na-repatriate mula sa tulong ng Department of Foreign Affairs, Embahada ng Pilipinas at Rapid Response Team na naatasang maglikas sa may 7,000 Pinoy na naiipit sa matinding karahasan sa Syria matapos na ideklara ang mandatory evacuation kasunod ng crisis alert level 4.
Patuloy ang bakbakan sa Syria kaya pipilitin nilang maiuwi ang lahat ng Pinoy sa nasabing bansa.
Ang mga umuwing OFWs mula Dubai ay biktima naman ng pagmamaltrato at pang-aabuso ng kani-kanilang employer.