CJ Sereno nanumpa na
MANILA, Philippines - Pormal nang nanumpa kahapon kay Pangulong Aquino ang bagong Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sinamahan si Sereno ng kaniyang asawang si Mario Jose Sereno at mga anak na sina Maria Sophia at Jose Lorenzo.
Sinaksihan din ang nasabing okasyon nina dating Chief Justice Artemio Panganiban at iba pang miyembro ng Supreme Court na kinabibilangan nina Associate Justices Estela Perlas-Bernabe, Martin Villarama, Mariano del Castillo at Bienvenido Reyes.
Dumalo rin sa nasabing okasyon si Justice Sec. Leila de Lima na naging nominado rin bilang chief justice, Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., Budget Secretary Florencio Abad at Communication Secretary Ricky Carandang.
Ayon kay de Lima, wala naman siyang nararamdamang sama ng loob matapos siyang i-diskuwalipika ng Judicial and Bar Council dahil sa kinakaharap niyang disbarment case.
Sinabi ni de Lima na ang SC ngayon ay nasa mabuti ng kamay matapos mahirang si Sereno.
Dahil 70 ang retirement age ng isang chief justice, aabot sa 18 taong manunungkulan si Sereno na ngayon ay 52 pa lamang.
Tumanggi naman si Sereno na magbigay ng anumang pahayag sa media matapos ang kaniyang panunumpa.
- Latest
- Trending