MANILA, Philippines - Pinag-iingat ng oposisyon sa kamara si Pangulong Noynoy Aquino sa pagtatalaga ng bagong pinuno ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Sinabi ni House Deputy Minorty Leader Milagros Magsaysay na masyadong sensitibo ang posisyon sa DILG lalo’t papasok na ang eleksyon sa susunod na taon.
Kailangan din umano na ang ipapalit ng Pangulo ay hindi nagpapaapekto sa pulitika at hindi gagamitin ang kaniyang posisyon para sa anumang ambisyon sa pulitika.
Bukod dito kailangan din umano ay mapanatili ng papalit kay dating DILG Secretary Jesse Robredo ang peace and order, masigurong mapapababa ang kaso ng election related violence at mapapanatili ang maayos na halalan sa Mayo.
Malaking responsibilidad umano ang nasa balikat ng sinumang itatalaga ng Pangulo kaya dapat ay walang bahid ng pulitika ang ilalagay dito.
Nauna nang napaulat na nagsimula na umano ang bangayan mula sa mga partidong kaalyado ng Pangulo dahil may kanya kanya ring manok na nais maitalaga sa nabakanteng pwesto.
Tatlong pangalan umano ang lumulutang na papalit kay Robredo kabilang na dito sina Senador Panfilo Lacson, Cavite Rep. Jun Abaya at Grace Padaca na pawang mga taga Liberal Party (LP).