MANILA, Philippines - Mandatoryo nang ipalalagay sa lahat ng paaralan sa buong bansa ang mga karatula na nakasaad na “Honesty is the best policy”.
Ito’y matapos aprubahan ng House Committee on Basic Education ang isang resolusyon na nag-o obligang maglagay ng nasabing karatula sa lahat ng paaralan at tanggapan ng Department of Education (DepEd).
Isinulong ni Davao Oriental Rep. Thelma Almario ang House Resolution 895 dahil nababahala na umano ito na hindi na naisasabuhay ng mga Pinoy ang katapatan sa lahat ng gawain o sinasabi.
Paliwanag pa ni Almario, ang mga paaralan ang dapat unang lagyan ng signage na honesty is the best policy para maitanim ito sa ugali ng kabataan.
Ang signage ay magiging instrumento din umano para sa pagtuturo ng good manners and right conduct para sa paghubog ng integridad ng mga estudyante.
Ayon naman kay Valenzuela Rep. Magtanggol Gunigundo, dapat i-translate din ang signage sa ibang dialect para madaling maunawaan ng mga estudyante.