MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong kriminal sa Depart ment of Justice (DOJ) ang pitong dayuhan na nasakote ng mga tauhan ni Bureau of Customs (BoC) Commissioner Ruffy Biazon dahil sa pagdadala ng droga sa magkakahiwalay na operasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kinilala ni Biazon ang mga kinasuhang sina Francisca Jovian na nakuhanan ng 3.7 kilo ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P29.8 milyon noong Mayo 27, 2012 habang sina Tamil Veloo at Chandrar Naddarajan naman ay nahulihan ng anim na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P48 milyon noong Hunyo 16, 2012.
Apat na kilo naman ng shabu na P32.4 milyon ang nakumpiska kay Ooi Hock Guan noong Hulyo 15, 2012; 2.3 kilo ng shabu na P18.4 milyon kay Thai national Danny Boon Eng Ng noong Hulyo 10, 2012; 2.9 kilo ng shabu at may halagang P11 milyon kay Nepalese Sun Bahadur Tamang noong Agosto 10, 2012 habang ang babaeng Vietnamese na si Duong Thi Yen ay nahulihan ng 2.9 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P23.2 milyon noong Agosto 14.
Sinabi ni Biazon na kasong paglabag sa Tariffs and Customs Code of the Philippines (TCCP) at RA 9165 o Comprehensive Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng pitong dayuhan.
Dahil umano sa intelligence report at ginawang pagbusisisi ng mga Customs police ay nabigo ang mga ito na maipuslit ang mga droga sa NAIA.
Siniguro naman ni Biazon na hindi nila papayagang makapasok sa bansa ang sinumang dayuhan na magtatangkang magpuslit ng droga.