MANILA, Philippines - Nakiisa na rin ang isang oposisyon Congressman sa mayorya sa panawagan na madaliin ang panukalang pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Sa privilege speech ni Camarines Norte Rep. Elmer Panotes, nanawagan ito sa kanyang mga kasamahan sa Kamara na ipagpatuloy ang kanilang legislative work para i-review ang konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Ang deklarasyon ni Panotes ay bilang suporta sa panawagan nina House Speaker Feliciano Belmonte at Senate President Juan Ponce Enrile para sa agarang aksyon ng Kongreso sa panukalang pag-amyenda sa Saligang batas.
Giit pa ng mambabatas, ang Kongreso ay kasalukuyang tinatapos ang nakatalagang trabaho para sa lehislatura kayat hindi sila maaaring akusahan na inaabandona ang kanilang trabaho kabilang na rito ang pagtugon sa problemang pang-ekonomiya na kinakaharap ng bansa.
Paliwanag pa ni Panotes, tama rin sina Belmonte at Enrile sa pagsasabing ang mahigpit na economic provisions ng 1987 Constitution ang siyang salarin sa pagpapabagal sa gobyerno na maitaas ang mabilis na pagreporma sa ekonomiya ng Pilipinas.