MANILA, Philippines - Nagsimula nang umakto bilang caretaker ng DILG si Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. kahapon.
Personal na binisita ni Sec. Ochoa ang tanggapan upang simulan ang pag-iimbentaryo ng mga programa at proyektong naiwan ni Robredo.
Si Ochoa ang itinalaga ni Pangulong Aquino bilang officer-in-charge ng DILG matapos pumanaw si Robredo sa isang plane crash noong Sabado sa Masbate.
Siniguro din ni Ochoa na magiging normal na ang takbo ng trabaho sa DILG partikular ang may kaugnayan sa PNP, BJMP, BFP at maging ang naging plano sa mga informal settlers.
Sabi ni Ochoa, nahihiya man siya dahil kasalukuyang nagdadalamhati ang bansa sa pagkamatay ni Robredo, kailangan naman umanong umandar ang DILG at ipagpatuloy ang naiwang programa nito.
Bagamat walang proper turnover, para kay Ochoa ay pamilyar na siya sa mga programa ng kalihim dahil dumadaan ito sa kanyang tanggapan bilang executive secretary ng Pangulo. Asahan na rin anya ang kanyang madalas na presensya sa DILG office. (Rudy Andal/Ricky Tulipat)