MANILA, Philippines - Ipapabinbin ni Bayan Muna Rep. Neri Javier Colmenares ang modernization budget ng Department of National Defense kung hindi sapat na maipapaliwanag ni DND Secretary Voltaire Gazmin ang posibleng palpak na paggamit sa pondo ng modernisasyon sa pamamagitan ng P1.8 bilyong overpriced na communication systems.
Sa pagdinig ng Kongreso sa budget ng DND, kinuwestiyon ni Colmenares ang P1,645 bilyong pondong inilaan para sa 6,356 handheld radios na ang presyo ay P258,823 para sa bawat walkie talkie.
Ibinunyag din niya ang P138,400,000 presyo ng 100 base radios na bawat isa ay P1.4 milyon ang halaga.
Ikinagulat din ng mambabatas na P99.483 milyon ang ginasta sa pagbili ng 2,934 Global Positioning System units na bawat isa ay nagkakahalaga ng P33,907.
“Hindi katanggap-tanggap ang rason na 10 ulit na overpriced ang mga unit na ito dahil meron silang military specs. Hindi naman kasi maipaliwanag ng AFP kung anong specs meron ang mga unit na ito bukod sa pagiging durable,” sabi ni Colmenares.