Mga residente pinaalalahanan sa bagong RWS ng PAGASA

Manila, Philippines -  Pinaalalahanan ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang mga residente ng lungsod na intindihing mabuti ang bagong Rainfall Warning System (RWS) na ipinatutupad ng Philippine Atmospheric, Geophysical & Astronomical Services Administration (PAGASA) upang malayo ang mga ito sa panganib sakaling may dumarating na bagyo sa ating bansa.

Ang paalala ay base na rin sa memorandum na ipinalabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG), National Capital Region (NCR) kung saan ay pinalitan ng PAGASA ang kulay na green ng orange sa RWS.

Sa bagong RWS ng PAGASA, ang mga bagong kulay na ipinatutupad sa pagbibigay ng alarma sa mga residente sa dami ng ibubuhos na ulan ng bagyo o habagat ay ang Yellow Warning; Orange Warning at Red Warning.

Sa Yellow Warning – inaasahang magkakaroon ng 7.5 hanggang 15 mm na dami ng buhos ng ulan na mararamdaman mula isa hanggang dalawang oras at kailangang maging alerto; Orange Warning – 15 hanggang 30 mm ng ulan ang mararamdaman sa loob ng dalawang oras, inaasahan ang pagbaha at inaabisuhan ang mga residente na maghanda para sa paglikas.

Sa ikatlong alarma na Red Warning – higit pa sa 30 mm ang inaasahang lakas ng buhos ng ulan na mararamdaman sa una hanggang dalawang oras, inaasahan din ang matinding pagbaha at kinakailangan ang emergency evacuation.

Ayon kay Echiverri, ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa mga re­sidente ng lungsod ang siyang magliligtas sa buhay ng mga ito bukod pa sa pagligtas sa kanilang mga ari-arian na maaaring mapinsala ng matinding pagbaha.

Show comments