Manila, Philippines - Personal na tinutukan kahapon ni Pangulong Aquino ang search and rescue operations para kay DILG Sec. Jesse Robredo at sa dalawang piloto ng bumagsak na eroplano na sinakyan ng mga ito sa Masbate kamakalawa ng hapon.
Bandang alas-5:45 ng umaga nang magtungo si Pangulong Aquino sa Masbate kasama sina Defense Sec. Voltaire Gazmin, DOTC Sec. Mar Roxas, PNP chief Nicanor Bartolome, AFP chief Jessie Dellosa at Coast Guard Commandant Vice-Admiral Edmund Tan para makakuha ng maya’t mayang update.
Sinabi ni DOST Sec. Mar Roxas, isang special sonar equipment ang gagamitin para makatulong sa search operation matapos na makakuha ng mga piraso ng debris, kabilang ang isang pakpak ng nawawalang eroplano.
Magdamag ang ginawang search and rescue operations sa dagat at patuloy na umaasa na magkakaroon ng milagro at makukuhang buhay ang DILG chief.
Ilang grupo ng mga scuba divers din ang tumutulong sa operations na sumisid hanggang sa lalim na 285 feet.
Nasira ang eroplano ni Sec. Robredo at mag-e-emergency landing sana kamakalawa ng hapon sa Masbate airport ng biglang bumulusok ito sa dagat.
Galing ang grupo ni Robredo sa Cebu City sa isang summit at patungo sana sa Naga City upang dumalo sa isang political meeting ng biglang masira ang eroplano nito.
Ayon naman kay NDRRMC executive director Benito Ramos, tumutulong na sa paghahanap sa kalihim ang 216 tauhan ng Philippine Coast Guard mula sa Masbate, Legaspi, Matnog at Bulan Sorsogon. Maging ang apat na barkong BRP Hilario Ruiz, BRP Simeon Castro, BRP Carlos Albert, at DF-339 at diving team mula sa Naval Special underwater.
Ang mga divers ng Navsog ay may trimix capabilities na may kakayahang sumisid sa pinakamalalim na operasyon.
Tumutulong na rin anya sa paghahanap ang 10 pumpboat ng mga mangingisda sa Masbate, local divers, medical, at bantay dagat.
Isang Navy islander plane at isa pang diving team ang ipinadala mula Sangley Point sa Cavite para umasiste sa search operations.
Maging ang aide umano ni Robredo na si Jun Paolo Abrazado na nakaligtas sa trahedya at kahit may mga tinamong sugat at galos ay naroon din para tumulong sa paghahanap, ayon kay Navy spokesman Col. Omary Tonsya.
Ayon naman kay Philippine Air Force spokesman Col. Miguel Okol, limang helicopters, kabilang ang pinakabago nito, tatlong Sokol at dalawang UH1H, ang ipinadala sa Masbate para makatulong sa paghahanap.
Dalawang US aircrafts na rin ang naunang tumulong sa pag-iikot sa lugar subalit walang nakitang bakas ng aircraft o ang mga nawawalang sina Robredo at mga pilotong sina Capt. Jessup Bahinting at Nepalese Kshitiz Chand.
Matatandaang ang Piper Seneca plane na sinasakyan ng kalihim ay nag-crashed sa karagatan ng Masbate matapos na magloko ang dalawang makina nito.
Tanging ang aide ni Robredo na si Abrazado ang nakaligtas matapos na makalangoy papalabas ng cabin at mailigtas ng mga mangingisda.
Nasa magulong sandali matapos na bumagsak ang eroplano, nagawang yakapin ni Abrazado si Robredo at tiniyak na ang kanilang seatbelts ay nakakabit, ayon kay Roxas.
Nang magkamalay na si Abrazado, nasa eroplano pa umano ito. Pero tumaas na ang tubig hanggang dibdib at tinangka niyang hagilapin si Robredo pero hindi na niya makita kung kaya nagpasya na itong lumangoy papalabas ng cabin, sabi pa ni Roxas.
Alas-3 ng hapon nang umalis sa Cebu City si Robredo para magpunta sa Naga City upang dumalo naman sa awarding ceremony ng kanyang atletang anak na nanalo sa palarong panglunsod.
Bago bumagsak ang eroplano ay nagawa pa umano ni Robredo na mag-text sa kanyang pamilya gayundin ang aide nito.