MANILA, Philippines - Hihigpitan na ng Commission on Higher Education ang mga educational tour at field trip sa mga eskuwelahan dahil na rin sa panawagan dito ng House of Representatives.
Ito ang nabatid kay Rep. Raymond Palatino ng party-list na Kabataan na nagsabi na ang bagong patakaran ay bunga ng konsultasyon sa CHED at mga administrador ng mga pamantasan at kolehiyo sa nagdaang mga pagdinig ng House committee on higher education and technical education.
Sinabi ng mambabatas na katanggap-tanggap ang desisyon ng CHED na imonitor at takdaan ng regulasyon ang mga education tour at field trip ng mga estudyante ng iba’t-ibang eskuwelahan sa bansa.
Pinuna ni Palatino na maraming pribadong kolehiyo at pamantasan ang nagkakapera sa mga hindi makatarungang bayarin sa mga out-of-school activities.
Idinagdag niya na ang bagong patakaran ng CHED sa mga field trip ay nakasaad sa Memoramdum Order 17 Series of 2012 na pinamagatang “Policies and Guidelines on Educational Tours and Field Trips of College and Graduate Students.”
Sa nasabing memorandum, sinasabing dapat munang konsultahin ng mga eskuwelahan ang mga estudyante kung may dagdag na gastos sa mga field trip at tour. Kailangan ding merong kahalintulad na aktibidad sa loob ng eskuwelahan para sa mga estudyanteng hindi makakasama sa field trip.
Ipinahiwatig din ni Palatino na labag sa batas na pagkakitaan ng sino mang empleyado ng eskuwelahan ang education tour/field trip na ito.
Sinasabi pa sa memorandum na, hangga’t maaari, ang destinasyon ng field trip ay dapat malapit sa eskuwelahang pinapasukan ng mga estudyante.
Nanawagan din si Palatino sa Department of Education na magpataw ng regulasyon sa mga bayarin sa mga field trip na sinisingil sa mga mag-aaral sa private kinder, elementary at high school.