Abalos laya na
MANILA, Philippines - Pansamantalang nakalaya kahapon si dating Comelec chairman Benjamin Abalos, Sr. makaraang pagbigyan na ng Pasay City Regional Trial Court ang hiling nito na makapagpiyansa.
Sa pitong pahinang desisyon ni Pasay RTC Branch 112 Judge Jesus Mupas, pinaboran nito ang “motion for bail” ng kampo nina Abalos matapos mabigo umano ang panig ng prosekusyon na mapatunayan na malakas ang kanilang ebidensya sa kasong electoral sabotage sa eleksyon noong 2007 sa North Cotabato.
Sa kabila nito, may kaakibat rin ang kautusan na “hold departure order (HDO)” para pigilan na makalabas ng bansa si Abalos. Mismo ang korte ang magbibigay ng naturang kautusan sa Bureau of Immigration (BI) para sa HDO.
Umaabot sa P1 milyon ang halaga ng piyansa na inilagak ni Atty. Brigido Dulay sa korte para sa dalawang kaso ng electoral sabotage.
Dakong alas-4 ng hapon nang maisilbi ang “release order” kay Abalos sa Southern Police District (SPD) headquarters kung saan sa maliit na kuwarto ito idinitine.
Nasorpresa naman si Justice Secretary Leila de Lima sa masyadong maagang ipinalabas na desisyon ni Judge Mupas na payagang makapagpiyansa si Abalos.
Ani de Lima, kahapon pa lamang nakapaghain ng memorandum ang Comelec kaugnay ng petition for bail ni Abalos.
Nakapagtataka aniya na napag-aralan at nakapagpalabas agad si Mupas ng desisyon, maliban na lamang kung dati na umanong nakahanda ang nasabing resolusyon.
Naniniwala rin si de Lima na matibay ang testimonya ni dating election supervisor Yogie Martirizar na direktang nagtuturo kay Abalos na nagmanipula sa resulta ng eleksyon sa South Cotabato nuong 2007.
Magkagayunman, binigyang diin ni de Lima na mataas pa rin ang kanilang kumpiyansa na sa huli ay madidiin at mahahatulan sa kasong electoral sabotage si Abalos. (Danilo Garcia/Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending