Kamara, nagluluksa sa pagpanaw ni Rep. Escudero
Manila, Philippines - Nagluluksa ngayon ang buong Kamara sa pagpanaw ni Sorsogon 1st District Rep. Salvador “Sonny” Escudero dahil sa sakit na colon cancer.
Ayon kay House Majority leader Neptali Gonzales, nakausap na niya si Sen. Francis “Chiz” Escudero at ito ang nagbigay ng kumpirmasyon na pumanaw na ang kanyang ama pasado alas-3:00 kahapon ng madaling araw sa kanilang bahay sa Sunville Subdivision Quezon City.
Sinabi ni Gonzales, malaking kawalan si Cong. Escudero sa Kamara dahil ito ang epitome ng isang mambabatas na napakasipag, matalino at tumutupad sa kanyang mandato.
Sinasabing hanggang sa huling lakas nito ay ginusto ni Escudero na tumupad ng kanyang trabaho dahil dumalo pa ito ng sesyon noon botohan sa kontrobersyal na Reproductive Health (RH ) bill, kahit naka-wheelchair ito.
Si Escudero ay siyang taga-kalampag sa Kamara sa tuwing walang quorum sa plenaryo.
Nakatakdang dalhin sa Kamara ang mga labi ng namayapang mambabatas bukas, (Miyerkules) at isagawa ang necrological service pagkatapos ng misa ganap na alas-9:00 ng umaga.
- Latest
- Trending