MANILA, Philippines - Patuloy na tumataas ang presyo ng Liquified Petroleum Gas (LPG) sa kalakhang Maynila at mga karatig na mga lugar kung saan umaabot na sa P800 ang presyo ng bawat 11 kilogram na tangke nito.
Sinabi ni LPG-MA party list Rep. Arnel Ty na masyadong malaki ang tinaas ng LPG kumpara sa nararapat lamang na regular na presyong P640 kada tangke.
NIlinaw pa ni Ty na hindi ang matinding pagbaha ang dahilan ng pagtataas ng presyo kundi ang kakulangan pa rin sa supply ng LPG dahil hindi pa umano makadaong ang barkong may lulan nito mula sa Singapore, China at Taiwan.
Ang suplay na ito ay para sa kumpanyang Liquigas na nagsusuplay naman ng LPG sa retailers.
Dahil dito kaya’t nakiusap na umano sina Ty sa Total, Shell at Petron na suplayan muna ng tatlong milyong kilo ng LPG ang Liquigas para mag- normalize ang sitwasyon subalit tumanggi na umano ang tatlong higanteng kumpanya ng langis.
Maging ang Department of Energy (DOE) ay pinakiusapan na rin umano nila na gumawa ng paraan subalit dumistansya ang kagawaran dahil sa umiiral na deregulasyon sa oil industry.