MANILA, Philippines - Bumaba na sa 79.91 meters ang level ng tubig sa La Mesa dam at hindi na ito umaapaw kahapon.
Ayon kay Danny Baui, unit manager ng La Mesa headwork ng Manila Water, alas-9 kamakalawa ng gabi nang tumigil ang pag-apaw ng tubig sa naturang dam matapos bumalik sa maximum capacity nito na 80.15 meters ang tubig dito.
Ito ay sa kabila na nananatiling nasa ilalim ng red alert status ang La mesa dam.
Kapag nasa red alert anya ang naturang dam, hindi pa maaaring pabalikin sa kanilang mga tahanan ang mga residenteng nakatira malapit dito na nagsilikas sa evacuation center laluna yaong mga nakatira malapit sa Tullahan river dahil may banta pa rin ng posibleng flashfloods sa lugar.
Anya, may mga pag-uulan pa na nararanasan sa bahagi ng Bulacan at Rizal kayat may banta pa ng panganib sa posibleng flashfloods sa lugar.
Nilinaw ni Baui na aalisin lamang ang red alert status sa La Mesa dam kapag tuluyang bumaba ang level ng tubig dito sa 79.5 meters.