MANILA, Philippines - Sinabi ni House deputy Speaker Erin Tañada na mayroon man o walang batas sa reproductive health, magtatalaga pa rin ng P2.54 bilyon para sa “family health and responsible parenting” program sa darating na taon ang gobyerno.
Ayon kay Tañada, ang pondo para sa programa ay bahagi ng P2.006 trilyon na panukalang 2013 national budget na ipinadala na ni Pangulong Aquino sa Kongreso noong nakaraang linggo. Ito ay nakapaloob sa panukalang gastusin ng Department of Health (DOH) na P56 bilyon para sa susunod na taon.
Sinabi ni Tañada, ang pondo para sa “family health and responsible parenting” ay “hindi konektado sa agresibong pagtulak para sa ‘RH Bill’ sa Kongreso dahil ito ay isang proyektong institusyonal ng DOH.”
Pinabulaanan ni Tañada ang mga paratang na ang pondo ay gagamitin para sa pambili ng mga kagamitang pampalaglag.
“Una ang aborsyon ay iligal at mananatiling iligal kapag napirmahan bilang batas ang isang ang reproductive health o kaya ay responsible parenthood law. Ikalawa, ang menu ng mga gawain ng Department of Health sa ilalim ng kalusugang pampamilya ay hindi nakasentro sa birth control kundi sa pagpapalaganap ng kapakanan at kalusugan ng pamilya,” sabi ni Tañada.
Ayon sa Kongresista, meron P13.6 bilyon na nakalaan para sa programang pag-aayos ng pasilidad pangkalusugan ito aniya ay magpapalawig sa mga serbisyo ng 2,243 rural health units ng bansa at humigit-kumulang 62 pampublikong ospital.