Manila, Philippines - Ibinasura ng Integrated and Bar of the Philippines (IBP) ang lahat ng inihaing apela ni Justice Secretary Leila de Lima kaugnay ng tatlong ‘disbarment case’ na kinakaharap nito.
Sinabi ng IBP, ipagpapatuloy ang imbestigasyon sa disbarment case ni De Lima matapos na magdesisyon ang Board of Governors na ibasura ang motion for reconsideration na inihain ng kalihim.
Ipauubaya na lamang umano ng IBP sa Judicial and Bar Council (JBC) kung isasama pa nila ang pangalan ni De Lima sa ihahaing shortlist na pagpipilian ni Pangulong Benigno Aquino III bilang susunod na Chief Justice.
Kahapon ay bumuo na rin ng panel ang JBC na magsasagawa ng imbestigasyon at pag-aaral sa mga kaso ng pagkansela ng lisensiya ni De Lima dahil sa tuwirang pambabastos sa kautusan ng Kataas-taasang Hukuman.
Samantala, ipinagpaliban kahapon ng JBC ang deliberasyon at botohan para sa pipiliing short list ng mga nominado bilang susunod na Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Ayon kay Atty. Gleoresty Guerra, spokesperson ng Supreme Court, ang botohan ay muling itinakda bukas araw ng Miyerkules, ganap na alas-11:00 ng umaga.