MANILA, Philippines - Umaabot na sa 19 bayan at lungsod ang kabuuang isinailalim sa state of calamity sa Central Luzon, Region IV A, Region IV-B at Metro Manila sanhi ng matinding pinsala ng bagyong Gener na nag-iwan ng 41 kataong namatay habang 35 pa ang sugatan at nawawala sa hagupit nito sa mga naapektuhang lugar sa bansa.
Ito ang ipinalabas na ulat kahapon ng tanggapan ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos.
Sinabi ni Ramos na, bunga ng malalakas na pag-ulan at hanging dala ng bagyong Gener na nanalasa umpisa noong Hulyo 28, agad na isinailalim sa state of calamity ang Navotas City sa Metro Manila.
Sa Region 1 , isinailalim rin sa state of calamity ang tatlong Barangay na kinabibilangan ng Hacienda, Portic at Cayana na pawang nasa Bugallon, Pangasinan bunga ng matinding pinsala ng bagyong Gener.
Una nang naideklara ang state of calamity sa Region IV A o sa mga bayan ng Bacoor, Tanza, Ternate, Rosario, Kawit, Naic, Noveleta at ang lungsod ng Imus at Cavite City. Bukod dito ay isinailalim rin sa state of calamity ang Mabitac, Laguna at ang mga bayan ng San Luis at Lemery sa Batangas.
Naideklara din ito sa San Jose, Occidental Mindoro sa Region IV A bunga ng matinding epekto ng bagyong Gener na nagdulot ng flashflood at matinding ihip ng hangin.
Sa Region VI ay ang munisipalidad ng Valladolid, Negros Occidental at ang mga bayan ng Lauan at Culasi sa Antique na nasa state of calamity din.
Naitala rin ang pagtaas ng mga apektado ng bagyo na nasa 117,440 pamilya o kabuuan ng 800,944 katao mula sa 168 bayan at lungsod sa 35 lalawigan sa mga rehiyong sinalanta ng malalakas na pag-ulan na nagdulot ng flashflood at landslide.