MANILA, Philippines - Inatasan kahapon Manila Mayor Alfredo S. Lim si city engineer Armand Andres na makipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil sa kung ano ang magiging solusyon upang hindi na maulit ang pagbaha sa kahabaan ng Roxas Boulevard partikular nitong nakalipas na linggo dahil sa moonson surge.
Sa direktiba ni Lim, sinabi niya kay Andres na dapat na maisaayos muli ang baywalk area na nasira ng pagbaha, na hindi umano pangkaraniwan dahil sa mahabang panahon ay passable ito sa mga behikulo kahit sobrang lakas ng ulan at bagyo. Pero nitong nakaraang Lunes ay isinara sa motorista bunga ng malaking baha mula sa tubig dagat.
Bukod sa baha ay naging catch basin na rin ang Manila Bay ng mga basura na nagmula sa mga karatig lugar, patunay ang nakolektang basura na ang pinakamababa ay 10 truck kada araw, na may 9 na tonelada ang bawat hakot ng Department of Public Service na pinamumunuan ni ret. Colonel Carlos Baltazar, katuwang ang Metro Manila Development Authority (MMDA).
Nais ng alkalde na maibalik sa normal na kondisyon ang R. Blvd, na hindi binabaha dahil isa ito sa sumasalamin sa bansa para sa mga dayuhan.