MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa Kamara ang umano’y talamak na bentahan ng dugo o blood for sale na kinasasangkutan ng mga OFWs partikular na sa Saudi Arabia.
Sa House Resolution no. 2542 na inihain ni Rodriguez gusto nitong ipasiyasat ang impormasyong natanggap niya na 300 hanggang 500 Saudi riyal ang bayad sa mga OFWs para sa naibebentang 500cc ng dugo sa Saudi Arabia hospital.
Napipilitan lamang umano itong gawin ng mga unemployed OFWs buwan-buwan upang magkaroon ng perang gagastusin araw-araw at maipadala sa kanilang mga pamilya.
Hindi umano malayong maraming kababayan natin ang nagbebenta ng dugo dahil base na rin sa datos ng Migrante Middle East ay nasa 8,000 hanggang 10,000 ang undocumented Pinoy sa Saudi na walang trabaho.
Ang mga ito umano ay walang trabaho dahil sa mga kadahilanang napunta sila sa among mapang-abuso, hindi nagpapasweldo ng tama, mga TNT o tago ng tago, o kaya naman ay expired na o nawala ang kanilang pasaporte at travel documents.