Bayan binalot ng dilim sa P80M utang
MANILA, Philippines - Babala sa mga munisipalidad o bayan na magpapabaya sa kanilang obligasyon.
Isang bayan sa Nueva Ecija ang balot ngayon ng dilim matapos putulan ng suplay ng kuyente.
Madilim ang pamumuhay ngayon ng mga residente ng bayan ng Pantabangan umpisa noong Lunes ng tanghali dahil sa kabiguan ng distributor ng kuryente na pag-aari ng lokal na pamahalaan na bayaran ang supplier nito.
Nabatid na pinutol ng First Gen Hydro Power Corp. (FGHPC) ang power supply ng Pantabangan Municipal Electric Services (PAMES) na pag-aari ng lokal na pamahalaan makaraang muli itong mabigo na bayaran ang pagkakautang na sa kasalukuyan ay umaabot na sa mahigit P80-milyon.
Sa official bulletin na ipinalabas ng FGHPC noong Lunes, sinabi nito na ang desisyon na tuluyan nang putulin ang power supply ng PAMES ay bunsod ng kabiguan nito na magbigay ng hulugang bayad na nagkakahalaga ng P7-milyon na nakatakda dapat noong June 30, 2012, sa kabila ng ibinigay na palugit sa kahilingan ng lokal na pamahalaan.
“We were constrained to take such measure after PAMES, once again, failed to honor its obligations under the terms of a March 16, 2012 restructuring agreement to settle the more than P80 million it owes to the power generating firm,” ayon sa opisyal na pahayag ng FGHPC.
Humingi naman ng paumanhin ang FGHP sa mga residente ng Pantabangan ngunit wala anya silang magagawa dahil naaapektuhan na ang kanilang operasyon.
Gayunman, gumagawa umano sila ng mga solusyon kung paano makakapagbigay kahit ng pansamantalang electrical supply sa ilang mahalagang institusyon tulad ng mga public schools sa Pantabangan.
“May responsibilidad din kami dahil ang FGHPC ang nagsu-supply ng kuryente sa isang sangay ng gobyerno, dalawang electric cooperative at isang industrial customer,” wika ng FGHPC, nagmamay-ari at nagpapatakbo ng Pantabangan-Masiway Hydroelectric Complex.
Nagpadala ang FGHPC ng disconnection notice noong February 8, 2012 dahil sa kabiguan na makakolekta simula pa noong 2007. Hindi itinuloy ang diskoneksyon bunsod ng pakiusap ni Pantabangan Mayor Romeo Borja, Sr. na humihingi ng palugit.
- Latest
- Trending