MANILA, Philippines - Isang welfare officer ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang inireklamo ng isang OFW dahil sa umano’y kapabayaan sa tungkulin at paglalaro ng online solitaire habang nasa oras ng trabaho sa Saudi Arabia.
Sa sinumpaang salaysay ni Ronald Detanoy, na may petsang Hulyo 21, 2012 ng OFW, sa kabila ng makailang-ulit na paghingi umano niya ng assistance kay OWWA welfare officer Anuar Ali Ampang ay binabalewala ito at mas tinututukan pa ang paglalaro ng online card game na solitaire.
“Sya ang palaging nagsasabi ano ang gagawin sa kaso ko samantalang ako ang complainant, ako ang nagtatanong kung ano ang dapat gawin. Sa madaling salita, hindi nya din alam ang gagawin,”ayon sa sworn affidavit ni Detanoy.
Sinabi ni Detanoy na habang nag-uusap sila ni Ampang, naglalaro ang huli ng solitaire sa kanyang computer at nagtataas ng boses matapos na igiit ng una na asikasuhin ang kanyang kaso.
Tatlong testigo na kapwa OFWs na sina Peter Salvador Esguerra, Joel Marquez at Christopher Yatar, ang nagpatunay sa salaysay at alegasyon ni Detanoy laban sa nasabing OWWA welfare officer.
Handa naman ang Migrante-ME na bigyan ng assistance si Detanoy at kanyang pamilya sa paghahain ng kasong administratibo at kriminal sa Manila laban kay Ampang.