MANILA, Philippines - Mananagot sa Commission on Human Rights (CHR) ang nasa likod ng pagpapakalat ng nakakaalarmang larawan sa ibat-ibang networking sites ng dalawang mag-aaral ng Zamboanga City High school na ginawang “stand” o patungan ng electric fan habang nagtatalumpati sa entablado ang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay CHR Chairperson Etta Rosales, inatasan na niya si Region 9 OIC Director Atty. Frederick Ian S. Capin para alamin at imbestigahan kung sino ang dapat na managot sa sinapit ng dalawang estudyante na mistulang ginawang patungan ng electric fan.
Sa natunghayan na pang-aalipin, ipinagdiinan ni Rosales na malinaw na nilabag ang karapatan ng batang mag-aaral at kailanman ay hindi tama na ipamukha sa mga bata ang animo’y pagiging isang alipin sa harapan ng maraming tao.
Una rito, umani ng batikos ang naturang larawan na naganap sa inagurasyon ng school building sa Zamboanga City High School at ang insidente ay naganap sa harapan mismo ni Education Secretary Armin Luistro, Mayor Celso Lobregat at marami pang matataas na opisyal ng lokal na pamahalaan at mga guro.