3 patay kay 'Ferdie'
MANILA, Philippines - Tatlo katao ang nasawi habang lima pa ang nawawala bunsod ng malakas na pagbuhos ng ulan dulot ng bagyong Ferdie.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kinilala ang mga biktima na sina Jonathan Sagodaquiel, 31 anyos na tinangay ng malakas na agos ng tubig baha sa Brgy. Wawa, Lumban, Laguna. Nalunod naman si Wilcor Rellera, 35, sa Pandanga Creek sa Brgy. San Isidro, Naguillan, La Union. Samantala ang 20 anyos na si Junrel del Mario ay nakuryente at tinangay ng agos baha sa Brgy. San Andres, Cainta.
Sa bulletin ng PAGASA sa NDRRMC, ang bagyong Ferdie ay tumawid na sa Balintang Channel at nakataas na lamang ang signal number 1 sa Ilocos Sur, Ilocos Norte at Abra.
Gayunman patuloy ang babala ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos dahil humalo sa isa pang Low Pressure Area sa West Philippine Sea ang bagyo na magdudulot ng malalakas pang pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon kabilang ang Metro Manila at Visayas.
Lima naman ang nawawala kabilang sina Niel Calay, 6, ng San Gabriel, La Union na tinangay ng agos sa Balballya River sa nasabing lugar at ang apat na mangingisdang sina Teodorico Caampued, 60; Robinson Siso, 50; Rogelio Canayon, 35 at Levi Caballero, 23 anyos; pawang ng Brgy. Victory, Bolinao, Pangasinan.
Nailigtas naman si Kim Go, 17 anyos matapos itong mahulog sa sapa sa Brgy. San Andres, Cainta, Rizal.
Samantala, lumubog sa baha ang malaking bahagi ng Metro Manila, ilang bahagi ng Luzon at Mindanao matapos bumuhos ang malalakas na pag-ulan ng bagyong Ferdie.
Bunsod ng matinding pagbaha ay nasuspinde ang mga klase sa mga apektadong lugar partikular na sa Metro Manila gayundin ang biyahe ng mga eroplano (domestic flights).
Sa Makati, hanggang 20 inches ang taas ng tubig sa maraming lugar habang umabot sa 12 inches ang baha sa Shaw blvd.-Acacia Lane sa Mandaluyong City.
Binaha rin ang C5-Ortigas na hanggang baywang, gutter deep sa Taft Avenue sa Pasay City; habang hanggang tuhod sa Talayan-Araneta Avenue; Brgy. Apolonio Samson, Kaingin, Gen. Lim, Aurora St. Brgy. Socorro, Amoranto, E. Rodriguez pawang sa QC.
Hindi rin madaanan ng maliliit na behikulo ang Singalong–Osmena Ext., Sampaloc, Intramuros, paligid ng Manila City Hall, Taft Ave. at ilang lugar sa Tondo.
Lubog din sa 2 talampakang baha ang Cainta, Morong, Taytay, Antipolo City sa lalawigan ng Rizal.
Bunsod nito, itinaas ng PAGASA ang red warning signal sa QC, Maynila, San Juan, Pasay at Pasig City habang ang iba pang lugar sa Metro Manila ay nasa ilalim ng yellow warning signal.
Binabantayan din ang water level sa mga dam sa iba’t ibang bahagi ng Central at Northern Luzon.
- Latest
- Trending