Signal No. 1 sa 11 lugar kay 'Ferdie'
MANILA, Philippines - Tuluyan nang naging bagyo ang active low pressure area na nagdudulot ng matinding pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa.
Sa latest monitoring ng PAGASA, ganap na alas-4 ng hapon kahapon, si bagyong “Ferdie” ay huling namataan sa layong 130 kilometro sa silangan ng Aparri, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna.
Tinatahak nito ang pangkalahatang direksyon patungong kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 13 kilometro bawat oras.
Bunsod nito, nakataas na ang babala ng bagyo bilang isa sa mga lalawigan ng Isabela, Cagayan, Calayan Group of Island, Babuyan Group of Island, Batanes Group of Island, Kalinga, Apayao, Abra, Ilocos Norte, Ilocos Sur at Mt. Province.
Ayon sa PAGASA, kung hindi magbabago ang direksyon ng bagyo, mahahagip nito ang Extreme Northern Luzon.
Patuloy namang pinapayuhan ng PAGASA ang mga residenteng nakatira sa mababang lugar at paanan ng bundok na nasa ilalim ng signal number 1 na maging alerto at mapagmasid sa paligid sa posibleng banta ng flashfloods at landslides.
Si Tropical Depression “Ferdie” ay pinag-iibayo ng Southwest Monsoon kaya’t maulan sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao kasama na ang Metro Manila.
- Latest
- Trending