MANILA, Philippines - Dapat na talakayin din ni Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes ang patungkol sa kalagayan ng Philippine sports.
Ayon kay PBA party list Rep. Mark Sambar, vice-chairman ng House Committee on Youth and Sports, ang mga kilalang leaders at atleta kabilang na dito ang mga nagnanais na maging world class sportsmen ay nagnanais na maputol ang tradisyon tuwing SONA na hindi isinasama ang isyu ng palakasan o sports. Ito ay dahil sa karamihan umano sa mga naging pangulo ng bansa ay basta na lamang nilalaktawan ang sports development sa kanilang SONA kayat nagkakaroon ng impresyon na ang sports ay hindi mahalagang bahagi ng pag-asenso ng Pilipinas.
Giit ni Sambar, hindi tayo makakaasa mula sa mga atleta kung ang mga lider mismo ay binabalewala ang realidad na ang palakasan o sports ay kritikal na bahagi ng pagtatatag ng bansa bagamat malayo umano ito sa usapin ng kagutuman subalit isa rin naman itong pagkakakilanlan ng bansa at malapit sa puso ng mga Filipino.
Puna ni Sambar sa mensahe ni Pangulong Aquino sa Philippine contingent na magtutungo sa London Olympics umaasa ito na ang mga atleta ay mag-uuwi ng mga gintong medalya subalit mas advisable umano para sa Pangulo na sorpresahin ang Philippine sports sa pamamagitan ng pagtalakay sa kondisyon ng lokal na palakasan sa kanyang SONA habang hinihintay nito ang resulta ng Olympics.
Idinagdag pa nito na bukod sa professional boxers tulad ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao at dragon boat competitors, ang Philippine sports ay nakakaranas ng tagtuyot mula sa world class athletes kung saan siyam lamang na medalya ang nakuha ng bansa simula ng sumali sa Olympics noong 1928. (