MANILA, Philippines - Hinikayat ni House Majority Leader Neptali Gonzales si Pangulong Noynoy Aquino na pagtuunan na ng pansin sa SONA nito ang mga isyung malapit sa sikmura ng mga Pinoy.
Sinabi Gonzales na panahon na para magbigay ng mas malinaw na roadmap ang Pangulo para sa ekonomiya dahil sa nakalipas umanong dalawang taon ay napatunayan na ng Pangulo ang determinasyon nitong labanan at sawatain ang katiwalian sa bansa.
Subalit sa ngayon umano ang nais na marinig ng publiko ay kung ano ang plano ng Pangulo sa pagpapaunlad ng ekonomiya sa nalalabing apat na taon nito sa puwesto.
Ito ay sa harap ng resulta ng mga surveys na nagsasabing milyon-milyong Pinoy pa rin ang nagugutom, naghihirap at walang trabaho.
Para naman kay House Speaker Feliciano Belmonte, unfair para sa Pangulo na nag-a-assume na agad ang publiko kung ano ang sasabihin nito subalit dapat na asahan na rin ng lahat na mababanggit ng Pangulo ang nakaraang impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona dahil maituturing na history na ito ng bansa.